SOCO: 29-anyos na dalaga, natagpuang patay sa Socorro, Oriental Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 02:46 PM

 

 

Natagpuang nakabalot at tadtad ng saksak ang bangkay ng 29 anyos na si Queence Star Delos Reyes sa Sitio Rambutan, Brgy. Pasi Dos, Socorro, Oriental Mindoro noong Agosto 7, 2016.

"'Yung biktima ay nakabalot sa bedsheet, sako. Tapos may nakapulupot na packaging tape, electrical wire," banggit ng investigator-on-case na si PO2 Dave Warren Mugat.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, huling umuwi si Delos Reyes noong Agosto 4.

"Nagri-ring pa 'yung phone niya, ayaw niyang sagutin. Kaya nag-text ako sa kaniya. 'Uuwi ka pa ba?' Wala [na akong natanggap na text] sa kaniya," ani Carol Vernette Delos Reyes, kapatid ng biktima.

Sa kabila nito, hindi raw sila nag-alala dahil sanay na sila sa ganitong pag-uugali ni Delos Reyes.

"Alam kong marami siyang pinupuntahan. Sinasabi ko sa kaniya na bago [siya] makipagkaibigan, kilalanin mo muna 'yung kaibigan mo. Alam mo naman 'yung panahon natin ngayon," kuwento ni Marie Cris de Jaro, tiyahin ng biktima.

Ani De Jaro, kilalang palabiro at palakaibigan si Delos Reyes.

"Makikita mo agad sa personalidad niya 'yung [pagiging] matapang, 'yung palaban. Medyo sutil talaga. Super palabarkada," ayon sa tiyahin nito.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng mga awtoridad, natukoy na nagtamo si Delos Reyes ng 22 saksak sa katawan. 

Tinanggal naman ang anggulong panggagahasa dahil walang nakitang palatandaan na pinagsamantalahan ang biktima.

"May teorya kami na sa dami ng [natamong saksak] ng biktima ay inakala namin at lubos kaming naniniwala na sobra ang galit ng taong gumawa nito," pahayag ni Mugat.

Panoorin ang dokumentong pagsisiyasat sa pamamaslang kay Delos Reyes sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!"

Para sa karagdagang detalye, maaaring sundan ang "SOCO" sa Facebook (www.fb.com/SOCOtv) at Twitter (www.twitter.com/SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.