Panadero, patay sa hit-and-run

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 09:51 AM | Updated as of Jan 13 2018 01:33 PM

BATANGAS – Patay ang isang panadero matapos ma-hit and run sa Taal, Batangas kamakailan.

Nagluluksa ngayon ang pamilya ni Michael Luneta sa pagkamatay ng kanilang padre de pamilya.

Natagpuang wala nang buhay si Luneta, 35, sa bahagi ng Diversion Road sakop ng Barangay Laguile, bandang alas-6:30 ng umaga noong Miyerkoles.

Ayon kay Fritzie Luneta, umalis ng bahay ang kaniyang asawa alas-3 ng madaling araw noong araw na iyon papunta sa pinagta-trabahuhang bakery.

"Maaga raw po siyang pumasok para maagang umuwi. Noong nadatnan ko po ang asawa ko ay umiyak po kami sa sobrang sakit, bakit nangyari po sa kaniya iyon,” kuwento ni Fritzie.

Unang inakalang biktima ng summary execution si Luneta pero nang lumabas na ang imbestigasyon ng pulisya, dito na nalamang na hit-and-run pala siya.

"Tumawag po sila ng SOCO (Scene of the Crime Operatives) at doon po napag-alaman din po na 'yung tao po'y nabiktima ng hit-and-run, base po sa mga sugat. Nagkaroon po siya ng sugat sa halos kalahating parte ng katawan sa kanang bahagi,” ayon kay PO2 Raymond Amante.

Ayon pa sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng isang malaking uri ng sasakyan gaya ng truck ang nakasagasa sa biktima base na rin sa sugat na tinamo nito.

May panawagan naman ang pamilya Luneta sa kung sino man ang nakasagasa sa kanilang kaanak.

“Sana’y magbago ang isip niya. Bukas naman po ang aming puso na kung siya ay paparito at magsasabi na hindi niya sinasadya, kami naman po ay madaling kausap,” sabi ng ina ng biktima na si Erlinda Luneta.

Naulila ng biktima ang asawa at ang nag-iisang anak.

Nananawagan din ang pulisya sa mga posibleng nakakita sa pangyayari na makipagtulungan sa kanila para mabigyang linaw ang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.