P10 milyon halaga ng pera, alahas, natangay ng 'dugo-dugo' gang sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 07:10 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi makapaniwala si alyas "Henry" nang mapanood sa CCTV na nabuhat ng kanilang kasambahay ang isang 20-kilo vault mula sa kanilang bahay sa Brgy. 76, Quezon City. 

Kuwento ni Henry, Huwebes ng tanghali habang nasa bigasan siya ay may tumawag sa kanilang bahay at sinabing may nangyari umano sa kaniya.

Ayon sa kasambahay na si Mary Joy Soliven, nagpanggap ang caller na si Henry at sinabing naaksidente umano ito.

At para hindi mabosesan, sabi ng kawatan ay basag umano ang nguso niya. 

Sa puntong iyon, inutusan umano ng caller si Soliven na kunin ang pera at alahas ng kaniyang amo at dalhin sa Monumento. Maging ang vault ay pinapasira pa sa kaniya.

Sa CCTV footage na kuha ng barangay, bitbit ni Soliven pababa ng footbridge ang vault. Gumilid ito at hinintay ang katagpo.

Di nagtagal, dumating ang dalawang kawatan at kinausap si Soliven bago umalis dala na ang vault, na may laman umanong pera at gamit na aabot sa P10 milyon ang halaga.

Nanindigan si Soliven na hindi niya kakuntsaba ang mga kawatan.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang partisipasyon ni Soliven sa krimen.

Nakakulong ngayon sa Pasig Police ang kasambahay at nahaharap sa kasong qualified theft.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.