Binatilyo, arestado sa panghahalay sa batang lalaki

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 05:31 AM

Niyaya umano ng suspek ang biktima na manghuli ng gagamba. Martian Muyco, ABS-CBN News

Inaresto Huwebes ng hapon ang isang binatilyo matapos umano niyang gahasain ang isang 7-taong gulang na batang lalaki sa Enrique B. Magalona, Negros Occidental.

Ayon kay Senior Insp. Rhojn Darell Nigo, hepe ng Enrique B. Magalona police, niyaya umano ng 19-anyos na suspek ang biktima na manghuli ng gagamba.

Ngunit dinala ng suspek ang biktima sa likuran ng health center ng Barangay Alicante kung saan nangyari umano ang panggagahasa.

Nagsumbong ang bata sa kanyang mga magulang pagkatapos. Humingi naman sila agad ng tulong sa pulisya.

Hinuli ng pulis ang suspek matapos makita nila malapit sa barangay hall.

Ayon sa pulisya, gumamit umano ang suspek ng "solvent". 

Batay sa isinagawang medical examination, may nakitang sugat sa biktima.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 or Anti-Rape Law of 1997.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.