Away nanay: 2 babae nagsabunutan sa QC

Kevin Manalo, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2018 04:34 PM

MAYNILA- Dalawang nanay ang nagkasakitan dahil sa away ng kanilang mga anak sa Barangay Del Monte sa Quezon City nitong Sabado.

Naghihimutok sa galit si Elvira Paluay nang dalhin sa barangay hall ng Del Monte ang anak na duguan at may mga sugat sa ulo. 

Kuwento ni Paluay, nakita niyang sinampal ang kaniyang anak ni Nora Lagao kaya gumanti umano siya hanggang sa nagkasabunutan na ang dalawang nanay.

Aminado si Lagao sa nagawang pananakit sa anak ni Paluay pero nagawa raw niya ito dahil pinagmumura siya ng bata.

Nauna rin umanong sinaktan ng anak ni Paluay ang anak ni Lagao.

Nagpunta ang dalawang nanay sa barangay hall kung saan pinakiusapan silang pag-usapan muna ang nangyari.

Subalit desidido raw si Paluay na itutuloy niya ang reklamong pananakit laban kay Lagao dahil sa ginawa nito sa kaniyang anak. Ipapasuri rin daw niya ang kaniyang anak sa doktor para matuloy ang proseso.

Nagpaalala naman ang barangay sa mga magulang na mas mabuting mag-usap tuwing may hindi pagkakaunawaan ang kanilang mga anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.