Lalaki arestado sa Laguna matapos magpanggap na pulis

Albert Lumbera, ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 07:37 PM

Nakuhanan ang suspek ng ilang pekeng ID at isang kalibre-.45 baril na may lamang bala. Kuha ng San Pablo City Police

Arestado ang isang lalaki matapos magpanggap na pulis sa lungsod ng San Pablo, Laguna nitong Miyerkoles.

Nakita umanong may dalang baril si Kent Lim ng isang residente kaya ipinagbigay-alam sa pulisya.

Nilapitan daw ng isa sa mga pulis si Lim at nang tanungin siya sa pagkakakilanlan niya, nagpakita pa raw ito ng ID ng pulis. Agad namang nakumpirma na peke ito.

“So nagpakita po siya ng fake ID na siya’y pulis. Noong pag-validate namin ng ID ay hindi tugma doon sa rank niya na PO2. Ang serial number naman ay pang-opisyal so doon palang napag-alaman na naming hindi siya pulis,” ani SPO1 Jessie Salado.

Bukod sa ilang pekeng ID, nakuha rin kay Lim ang isang loaded na kalibre-.45 baril na ayon sa pulisya’y posible raw gamitin ng suspek sa paggawa ng krimen.

“Baka may hindi magandang gagawin dun sa [convenience store] kaya naitawag sa amin kaya nahuli siya,” ani Salado.

Depensa naman ng suspek, in-order lang daw niya ang ID sa isang kakilala niya sa Facebook. Binili niya raw ang ID sa halagang P500.

Ang baril namang bitbit niya, binili niya raw dati sa isang security guard at kakukuha pa lang niya noong nakaraang Biyernes lamang.

“Basta inalok niya lang ako kukuha kasi ako ng lisensiya eh kasabay iyong pagpapadala niya,” ani Lim.

Nahaharap sa 2 magkahiwalay na kaso ang suspek: paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at usurpation of authority dahil sa paggamit ng pekeng ID ng pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.