FDA nagbabala kontra panty liner na ‘nakagagaling’ ng sakit

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 10:36 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa paglipana ng mga ibinibentang panty liner na umano'y nakagagaling ng mga sakit.

Naglabas ng advisory ang FDA bilang babala sa mga mamimili laban sa mga panty liner na nagkalat online na umano'y herbal at may negative ions, at nakagagaling pa umano ng mga sakit tulad ng myoma, urinary tract infection (UTI), irregular period, at iba pa. 

Ayon sa FDA, pumapasok na ito sa kanilang monitoring bagamat hindi nakalistang produkto ang panty liner sa ahensiya dahil may health claims na ito.

Kailangan ding dumaan ang produkto sa isang siyentipikong pag-aaral dahil sa health claims nito. 

Ayon pa sa isang gynecologist na si Dr. Hermie Maglaya, wala pang mga pag-aaral na makapagpapatunay dito.

“No studies that claimed na nag-treat sila ng infection,” ani Maglaya. 

Pero wala rin naman aniyang problema sa paggamit ng mga panty liner at pad basta gagamitin ang mga ito nang tama. 

“You have to change it as frequent as possible. Kapag nagkakaroon ng discharges ay magpapalit at maghuhugas,” sabi ni Maglaya. 

May payo rin si Maglaya para maiwasan ang impeksiyon sa feminine area ng mga babae.

“You wash well with either mild soap, regular feminine wash. You wash it thoroughly. When you use the toilet, you make sure that you wipe well. Wipe first from front to back to make sure that you don’t put the bacteria from the anal area to the front,” mungkahi ni Maglaya.

“You have to change pads as often as possible and make sure that you use the right type of undergarment. Do not put perfumes, lotion. Those who use lubricants, we advise them, before and after using, they wash very well. Practice safe sex by not having multiple sexual partners,” dagdag pa niya.
     
Ayon pa kay Maglaya, agad magpakonsulta sa isang gynecologist kung may kakaibang nararamdaman.
    
Kapag may mga nakita naman na kahina-hinalang produkto, maaaring tumawag sa FDA hotline na (02) 821-1176-(77).

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.