'Double Barrel', ikakasa muli; human rights advocates, umalma

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 10:22 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inilabas na ng Philippine National Police (PNP) ang mga bagong guidelines ng pinaigting na "Oplan Double Barrel" para masiguro na walang magiging paglabag sa human rights.

Pirma na lang ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa ang hinihintay sa supplemental guidelines ng "Oplan Double Barrel Reloaded" na kinakasa na ulit ng pulisya.

Sa tala ng PNP, aabot sa 1.3 million drug personalities ang napa-surrender nila noong taong 2017. Ito ang pinaninindigan nila kung bakit dapat ibalik ang "Double Barrel Reloaded" na kung tutuusin ay maganda naman daw ang intensiyon.

Nahahati sa dalawa ang anti-criminality campaign na ito; ang Oplan Tokhang, at high-value target operations, gaya ng search operations at buy bust.

Sa high-value target operations madalas napapasabak ang mga pulis at napapatay ang mga suspek dahil umano nanlaban.

Ilan sa mga guidelines ang binago, gaya ng paghimay sa bawat impormasyon na matatanggap tungkol sa isang suspect o drug personality.

"[P]ara hindi ho magkamali. Pag sinabi ho nating intel-driven, lahat ng ebidensiya ay intelligence-drive. May tao ho tayo na magmo-monitor," ani General Camilo Pancratius Cascolan, PNP Director for Operations.

Ipagagamit na rin sa mga operatiba ang mahigit P300 milyong halaga ng mga body camera. 

"In real time, makikita natin ang operations ng mga tao natin at magkakaroon tayo ng sistema na i-preserve ang mga ebidensya na ito para malaman ng lahat. Kung may mga tanong, maipapakita natin ang mga cameras," dagdag ni Cascolan. 

Dadaan na rin sa masusing evaluation at assessment ang magiging miyembro ng drug enforcement units.

Walo lamang sa bawat istasyon ang papayagang makapasok.

"’Yung vetting, tinitignan natin kung sino ang karapatdapat. There will be quarterly performance evaluation of our people in the field, so we will be able to know who's working and who's not," sinabi ni Cascolan.

Tatawagan na rin ang mga inquest prosecutor sa mga operasyon na may nahuli o namatay na suspek, para malaman kung may nilabag na karapatan o batas ang operatiba.

"When something happens, at least the prosecutor will be able to immediately assess and evaluate the situation, what really happened," ani Cascolan.

Pero sabi ng human rights groups at Commission on Human Rights (CHR), maganda lang pakinggan, pero mahirap gawin, gaya ng mga naunang guidelines ng "Double Barrel" na hindi naman umano nasunod.

"Ang problem sa Pilipinas, there is disconnect between policy and practice. What is on paper is different from what is actually happening on the ground, yung implementation," sinabi ni Ellecer Carlos, tagapagsalita ng grupong iDefend.

"Kung susuriin, Oplan Tokhang [is] for the purpose of ensuring rehabilitation of drug offenders. Pero ‘yung visitation noong nakaraang taon results sa pagkamatay ng suspects, hindi na napunta sa punto na rehabilitation," sinabi ni Attorney Jacquelyn de Guia, tagapagsalita ng CHR.

At marami pa rin sa mga nabiktima ng 'mistaken identity' ang hindi pa nakakamtan ang hustisya. Isa na rito ang mga napatay at nasugatan matapos paulanan ng bala ng mga pulis ang AUV ng mga magdadala sana sa isang shooting victim sa ospital sa Mandaluyong.

"Kailangan nakakasiguro rin sila sa target nila, para wala namang madamay na inosente. Kasi minsan pabaya sila," ani Elizabeth Santiago, ina ng nabaril sa Mandaluyong.

Sa pagbabalik ng "Double Barrel," naka-abang ang lahat kung mas may ngipin ang kampanya kahit hindi kailangang may dumanak na dugo.

--Ulat ni April Rafales, ABS-CBN NEWS

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.