'Bakit di dapat sumali ang mga senador sa cha-cha'

ABS-CBN News

Posted at Jan 12 2018 10:52 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Kabado ang grupong Bayan Muna sa magiging senaryo oras na makontrol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ehekutibo at lehislatura na layon umano ng isinusulong na charter change (cha-cha) ng supermajority sa Kamara. 

Ayon kay Bayan Muna chairman at dati nitong representante na si Atty. Neri Colmenares, maraming hindi katanggap-tanggap na probisyon ang Resolution No. 8 o charter change resolution, ang unang hakbang para maging federalism-bicameral system ang gobyerno.

Sa naturang panukala, may kapangyarihan ang pangulo na balasahin ang hudikatura at lagyan ito ng mga bagong justices.

Ang mga opisyal ng mga constitutional body, tulad ng Comelec, Commission on Audit, at Civil Service Commission ay kailangang magbitiw sa loob ng isang taon at ang papalit ay pipiliin din ng pangulo.

Nasilip din ng Bayan Muna ang probisyong nagsusulong na gawing libre sa pagbabayad ng buwis ang pangulo, bise presidente, mga senador, kongresista, mga mahistrado ng Korte Suprema at pinuno ng constitutional commissions. 

Anila, kung hindi pa dahil sa isyu ng quorum sa huling araw ng sesyon sa Kamara noong Disyembre, lusot na sana ang cha-cha resolution sa ikalawang pagbasa.

Kaya pakiusap ni Colmenares, hindi na dapat makilahok pa ang mga senador para mapigilan ito. 

"Kesyo may joint voting o may separate voting, it doesn't matter. 'Wag kayong pumayag sa con-ass (constituent assembly). Kasi mapapariwara tayo sa cha-cha na nakasuong ngayon sa Kongreso," ani Colmenares.

"The moment a president exercises executive powers & legislative powers, grabeng power 'yan," sabi ni Colmenares. 

Sa paglilinaw ni House constitutional amendments panel chair Roger Mercado, tanging Resolution No. 9 ang nakasalang sa plenaryo na humihiling na gawing constituent assembly ang dalawang kapulungan ng Kongreso. 

Ang Resolution No. 8, kasama ang iba pang resolusyon sa cha-cha, sa Martes pa raw dedesisyonan.

Sa Miyerkoles naman sasalang sa Senado ang mga panukalang nagsusulong ng charter change.

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.