Janitor sa Davao City Airport, nagsauli ng P136,000

Clara Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 07:16 PM

Sinauli ng isang janitor sa Davao City airport ang isang bag na may lamang P136,000 at isang gadget. Clara Cornelio, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Isinauli ng isang janitor ng F. Bangoy International Airport nitong Martes ang isang bag na naglalaman ng P136,000 na halaga ng salapi at gadget na naiwan sa paliparan ng isang negosyante.

Kinilala ang janitor na si Ronnie Caydan dahil sa kaniyang katapatan.

Sinauli niya ang natagpuang itim na bag sa palikuran ng airport na may lamang P136,000 at iPad na pagmamay-ari ng negosyanteng si Simplicio Belisario Jr.

Ayon kay Ronnie, kahit mahirap siya, di siya nagdalawang isip na isauli ang pera na hindi kaniya.

"May bag na nabilin, sige i-log natin, so pag-open ko may tab (tablet), sa kabila may dalawang sobre. Sige bilangin, tapos may ticket, ganito ang pangalan, may calling card so tinawagan ni ma'am," ani Ronnie, patukoy kay airport manager Erlinda Delos Reyes.

Galing Maynila si Simplicio at pagdating niya sa airport ng Davao ay agad pumunta sa palikuran. Paglabas ng CR, nalimutan na niya kunin ang bag na isinabit sa pintuan nito. 

"I forgot about my bag, I don't know. Normally kasi it's always inside my hand-carry bag, so all the while I thought it was there. I got my check-in baggage and went to the hotel, then I got a call from Erlinda," ani Simplicio.

Malaki ang pasasalamat ni Simplicio kay Ronnie dahil ang pera ay kaniyang personal cash at pangsuweldo sa kaniyang mga empleyado.

"Sabi ko napaka-honest naman ng mga tao dito kasi easily naman they can keep it, in Manila nawala ang tab (tablet) ko, wala na, and then I found it, nasa Tondo. Sabi ko nga ang suwerte ko naman mga honest naman ng mga tao dito," ani Simplicio.

Ayon kay Delos Reyes, hindi lang si Ronnie ang nagsauli na ng mga gamit na naiiwan ng mga pasahero sa airport pero ito ang unang pagkakataon na malaking halaga ng pera ang natagpuan.

Nakatakdang bigyan ng commendation at token si Ronnie.

Si Ronnie ay mahigit 20 taon nang nagseserbisyo bilang janitor sa airport.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.