90% PUV dumaan sa inspeksiyon ng LTO, bagsak

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 08:37 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bagsak ang halos lahat ng pampublikong sasakyang nagpasuri nitong Huwebes sa Land Transportation Office (LTO) matapos ianunsiyo ang kampanya laban sa mga mausok at bulok na pampasada.

"Sa eighty percent, even ninety percent na hindi pumasa, makikita mo na kalahati non 'yong mga minor lang na dapat madaling ayusin," ani Transportation Undersecretary Tim Orbos.

"Pinagbibigyan sila na ituwid ulit 'yong problema at bumalik sila, Magpa-eksamen. After that, puwede ulit silang bumaybay," dagdag ni Orbos.

Miyerkoles nang simulang hulihin ng Inter-Agency Council on Traffic (i-ACT) ang mga tsuper at operator ng halos gutay-gutay nang mga sasakyang pumapasada pa rin.

Ito'y matapos ilunsad ang "Oplan Tanggal Bulok Tanggal Usok."

Kaya minabuti ng ilang tsuper at operator ng mga public utility vehicle na magpatingin sa mga tanggapan ng LTO. Kaakibat nito ang bayad na halos P100.

Isang jeep ang nakatanggap ng sandamakmak na puna matapos magpatingin sa tanggapan ng LTO sa Pasay.

Ilan lang sa mga napuna dito ang pagbuga ng usok, lumang spare tire, maluwag at maalog na shock absorber, at sirang reverse light.

Wala rin umanong takip ang ilaw sa loob ng jeep na posibleng makapaso ng balat dahil sa init.

Kapag bumagsak, kailangang bumalik para muling magpasuri.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ininspeksiyon naman ng Department of Transportation ang sample ng mobile motor vehicle inspection system (MVIS).

Ang MVIS ang titingin sa "road worthiness" o kung ligtas bang ibiyahe sa mga kalsada ang mga pampublikong sasakyan.

Ipinagmamalaki ang MVIS dahil kaya nitong magsagawa ng inspeksiyon nang halos walang "human intervention."

"Kung bulok ka, dapat matakot ka kasi 'di na tao magsasabi nun, makina [na]," ani Transportation Secretary Arthur Tugade.

Hanggang loob ng sasakyan ay kayang tingnan ng bagong MVIS gamit ang maliit na kamera.

Mayroon din itong specialized equipment na hiwalay para sa diesel at gasolina.

May kakayanan itong sukatin ang lakas ng ilaw, takbo ng sasakyan, at preno.

Naglaan ang gobyerno ng P780 milyon para makabili ng 26 yunit ng MVIS na kayang ipamahagi sa iba't ibang isla ng Pilipinas.

Hiniling naman ni Obet Martin, pangulo ng transport group na Pasang Masda, na luwagan ang inspeksiyon dahil posibleng walang pumasang jeep.

"Huwag magagalit sa'kin ang mga kasamahan natin sa pamahalaan.... walang papasang jeep dito," ani Martin. 

"Siguruhin natin sapagkat desidido ang ating pamahalaan, LTO, na dumaan tayo sa masusing MVIS," dagdag ni Martin.

Tatlong taon naman daw ang ibinigay na transitory period sa mga tsuper bago tuluyang i-require na bumili ng modernong jeep.

Sa unang quarter o tatlong buwan ng taon inaasahang maipapamahagi ang mga yunit ng MVIS.

-- Ulat nina Doris Bigornia at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.