6 arestado sa tangkang pag-leak ng marine officer licensure exam

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2018 11:49 PM | Updated as of Jan 12 2018 01:54 AM

Arestado ang anim katao sa tangkang pag-leak umano ng questionnaire sa licensure examination para sa marine officers nitong Huwebes.

Nadakip ang mga empleyado ng Maritime Industry Authority (Marina) na sina Christian Asistores (evaluator), Juliys Maquera (monitoring), Malone Morales (surveillance), John Daniel Ricafort (IT), Teodorico Dionisio (IT).

Kabilang din sa naaresto si Joemarie Antiquera, marketing manager ng Northstar Training and Consultancy.

Nag-alok diumano si Antiquera sa review center na Pipe Down Marine Services na bilhin ng P500,000 ang nakuha niyang questionnaire mula sa mga empleyado ng Marina.

Tiyansa na sana ito ng review center para maipasa ang lahat ng kanilang mga estudyante at kumita nang malaki, pero kaibigan pala ng may-ari ng review center na si Jobert Santos ang mga board examiner ng Marina.

Dumulog si Santos sa mga tauhan ng Manila Police District para i-entrap si Antiquera, kasama ang mga kasabwat, sa abutan dapat ng pera nitong Huwebes ng hapon.

"Ang ginawa ng mga IT na ito, itong dalawang IT, definitely, they have the access, nago-offer sila sa review center, itong Pipe Down review center, na they have an update on the examination," ani Supt. Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD. 

"Kasi pinagkatiwalaan namin sila sa IT, mga tao namin sila eh, under ng board of examiner, so sila nagka-kwan ng mga program namin, pinagkatiwalaan," ani chief engineer Jesse Fresnido, board examiner ng Marina.

Hindi isinasantabi ng Marina ang posibilidad na matagal nang nangyayari ang ganitong kalakaran. Dismayado ang ahensya na dahil dito ay baka hindi na dekalidad ang mga marino ng bansa.

"Walang competence, ang hinahabol namin competence eh. Kung hindi competent ang seaman pagsampa ng barko, baka mabangga o madisgrasya ang barko," ani Fresnido.

Nakakulong na ang mga suspek, na tumangging magbigay ng panayam sa media.

Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.