Suspek sa paghalay ng 2 menor de edad, arestado

Ron Lopez, DZMM

Posted at Jan 11 2017 09:59 AM | Updated as of Jan 11 2017 11:33 AM

MANILA - Arestado ang isang 59-taong gulang na lalaki matapos umanong manggahasa ng dalawang menor de edad sa Maynila, Martes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Victorino Catalig, residente ng Sulu Street sa Santa Cruz.

Sa bisa ng isang search warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court, dinampot ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Catalig sa kanyang pinagtaguang bahay sa Novaliches.

Si Catalig ang itinuturong nanggahasa sa isang 11-taong gulang na kapitbahay at nangmolestya sa isa pang 16-anyos na dalagita sa kanilang lugar, ayon kay CIDG deputy chief Senior Inspector Reynaldo Martin.

Itinanggi ng suspek ang mga paratang. Aniya, kaibigan niya ang dalawang biktima at hindi aniya niya ito minolestiya.

Nakapiit ngayon sa CIDG ang suspek na mahaharap sa patong-patong na kasong rape at statutory rape na kapwa walang piyansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.