Pekeng dinamita natagpuan malapit sa Camp Crame

Henry Atuelan, DZMM

Posted at Jan 11 2017 04:45 PM

Nabulabog ang mga residente malapit sa Camp Crame sa Barangay Bagong Lipunan, Quezon City matapos matagpuan ang isang hinihinalang bomba, Miyerkules.

Bandang alas-11:00 ng umaga nakita ng isang basurero sa First Avenue ang hugis-dinamitang bagay na may wiring at digital timer. 

Idineklara kinalaunan ng bomb experts na negatibo sa pampasabog ang hininalang bomba.

Ayon kay Supt. Edwin Eleazar, officer-in-charge for operations ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) team, lumitaw na gawa lang sa karton ang pekeng dinamita at wala itong anumang laman. 

"Hindi po siya capable sumabog kasi wala po siyang explosives. Noong makita rin ng ating tao, hindi rin po nagfa-function iyung digital clock niya. Pati putol pa iyung isang wire," sabi ni Eleazar.

Inamin naman ng opisyal na kahawig ng naturang bagay ang mga pampasabog na ginagamit nila sa training.
    
Pahayag naman ni Quezon City Police District chief Senior Superintendent Guillermo Eleazar, iniimbestigahan na nila kung sino ang nag-iwan ng pekeng dinamita sa First Avenue.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.