Estudyanteng binugbog sa hazing, anak ng mayor sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jan 11 2017 09:56 AM | Updated as of Jan 11 2017 10:05 AM

MANILA - Tadtad ng pasâ at mga pasò ng kandila ang katawan ng 18-anyos na anak ni Mayor Eulalio Alilio ng Lemery, Batangas matapos umano itong piliting sumalang sa initiation rites ng isang sorority.

Kuwento ni Cherry Alilio, ina ng biktimang si Coleen, sinimulang pilitin ang kanyang anak ng isang kaklase sa Lyceum of the Philippines University (LPU) sa Maynila na sumali sa Tau Gamma Sigma noong Disyembre.

Tumanggi aniya si Coleen pero hindi siya tinantanan ng tawag at text message ng mga miyembro ng sorority.

"Talagang hindi po ini-entertain ng anak ko kasi puro po missed calls at reject calls ang ginawa niya," sabi ni Cherry sa panayam ng DZMM.

Nang matapos ang Christmas break ng LPU nitong Enero 3, nakasalubong umano ni Coleen ang isang miyembro ng sorority at pinilit siyang sumama sa gymnasium ng paaralan.

"Ang ginawa lang daw po sa kanya ay hinimas ang mukha niya, magkabilang pisngi tapos pinatungô na siya, 'ipikit mo ang mata mo.' Binasahan na daw po siya ng litanya ng sorority," salaysay ni Cherry.

"Sabi sa kanya, 'In ka na ha, drop or die ito... Mag-drop ka sa eskuwelahang ito o mamatay ka.'"

Nang sumunod na araw, inutusan umano ng Tau Gamma Sigma si Coleen na pumunta sa isang abandonadong bahay sa Las Piñas at magdala ng pagkain, kandila at sako.

Dinatnan umano doon ni Coleen ang 40 miyembro ng sorority.

Apat na babae umano ang salitang pumalo kay Coleen nang nasa 50 beses, gamit ang sinturon at kahoy. Pinasò rin umano siya habang sinasabunutan at sinasampal.

"Ang sabi kapag namatay iyan, isako na lang. Sabi ko, hindi naman hayop ang anak ko na isasako na lang nila," ani Cherry.

Na-confine sa ospital si Coleen dahil sa panghihina at labis na pananakit ng katawan.

Lumapit naman ang ilan pang estudyante ng LPU sa pamilya ng biktima para ibulgar na pinipilit din umano sila ng Tau Gamma Sigma na sumali sa kanilang samahan.

Handa ang unibersidad na imbestigahan ang insidente at patalsikin ang mga estudyanteng mapapatunayang kasali sa hazing.

Dagdag ng unibersidad, hindi nito kinikilala ang anumang sorority o fraternity at kinokondena ang anumang karahasan.

Magsasampa ang pamilya ni Coleen ng kaso laban sa mga miyembro ng naturang sorority ngayong Miyerkules.

Nagsagawa na rin ng surveillance operation ang pulisya sa bahay na pinangyarihan umano ng hazing.