LTFRB: Walang aprubadong taas-pasahe para sa UV Express

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 11:22 AM | Updated as of Jan 10 2018 11:39 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Miyerkoles na wala silang inaprubahang umento sa pasahe sa kahit anong pampublikong sasakyan, sa harap ng nakaambang pagmahal ng krudo dahil sa tax reform law.

Ito'y matapos kumalat sa social media ang flyer na ipinamigay ng ilang UV EXpress van driver na nagsasabing tataas sa P50 mula P45 ang pasahe sa rutang Meycauayan, Bulacan - Quezon Avenue.
 
"Wala po tayong fare hike na allowed, authorized ng LTFRB... Kung mayroon hong nag-i-increase, sabihan niyo po kami and we will issue a direct corresponding show cause order," sabi sa DZMM ni Atty. Aileen Lizada, board member ng ahensya.

Kung nais aniya ng mga transport group na iakyat ang kanilang pasahe, kakailanganing dumaan sa prosesong magsisimula sa paghahain ng petisyon at mga hearing.

Pagmumultahin aniya ng P5,000 ang mga grupong lalabag dito sa unang beses. Mahaharap sila sa P10,000 na multa at 60-araw na suspensyon sa ikalawang paglabag; at P15,000 na multa at kanselasyon ng prangkisa sa pangatlong paglabag.

Banggit ni Lizada, una nang nagsumite noong nakaraang taon ang jeepney operators na itaas sa P10 ang kanilang P8 na pasahe.

Humirit din aniya ang mga taxi operators na itaas ang kanilang flag-down rate sa P60 mula P40 samantalang humingi naman ang Grab ride-sharing service ng 6 hanggang 10 porsyentong taas-pasahe.

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Disymbre ang TRAIN na nagpapababa sa personal income tax at nagtataas sa duties sa krudo, mga sasakyan, at sugar-sweetened drinks.

Gagamitin ang malilikom na pondo para sa P8-trilyon na infrastructure program ng Presidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.