Ilang guro, may pangamba sa kabila ng dagdag na take-home pay

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 09:56 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tataas ang net take-home pay ng mga public school teacher simula ngayong taon dahil sa pagpapatupad ng bagong tax reform law at ikatlong bahagi ng salary standardization law pero may pangamba ang ilan sa kanila. 

Ayon sa Department of Education (DepEd), nasa P17,000 lang kada buwan ang naiuuwing suweldo noong 2017 ng isang guro na may Salary Grade 11 o may basic salary na P19,620.

Pero ngayong Enero 2018, papalo na sa P20,179 ang suweldo ng Teacher 1 na ito dahil sa implementasyon ng third tranche ng salary standardization law na unang ipinatupad noong administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Nasa P20,000 din ang kanilang maiuuwing suweldo dahil sa TRAIN.

Nangangahulugan ito na tumaas ang maiuuwing suweldo ng Teacher 1 ng 16 porsiyento o ng halos P3,000 kada buwan.

Tataas din ang kanilang chalk at clothing allowance.

“’Yung chalk allowance may pagtaas pero ito po’y hindi bahagi ng sahod ng ating mga kaguruan. This is a one-time amount that we give to our teachers,” ayon kay DepEd undersecretary Tonisito Umali. 

Ikinatuwa naman ito ng mga grupo ng mga guro pero aminado sila na nangangamba sila sa posibleng epekto ng TRAIN lalo na’t inaasahang tatas ang presyo ng bilihin. 

“Hindi pa natin ngayon masasabi kung gaano kalaki ‘yung babawiin nito through the forms of several indirect taxes,” ayon kay Benjo Basas, chair ng Teachers' Dignity Coalition.

Sinabi pa ng Department of Budget and Management nitong Miyerkoles na hindi nila prayoridad ang salary increase ng mga guro kahit ito ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.