Basurang bumalandra matapos ang Traslacion, hinakot ng 65 trak

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 01:38 PM

Tone-toneladang basura ang naiwan sa ilang lugar sa Maynila sa paghupa ng dagsa ng taong nakilahok sa prusisyon ng Itim na Nazareno.

Nagsanib puwersa ang pamahalaang lokal ng Maynila at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paglinis sa kalat na iniwan ng milyon-milyong deboto sa mga lugar gaya ng Quiapo, Quezon Boulevard at Quirino Grandstand.

Ayon sa Manila Task Force Clean Up, mula araw ng "pahalik" noong Lunes hanggang matapos ang Traslacion nitong Miyerkoles ng madaling araw, umabot sa 65 trak o halos 300 toneladang basura ang nahakot.

Karamihan umano sa mga basurang nakuha ay mga styrofoam, tira-tirang pagkain, nagsilbing higaan ng mga deboto, at plastic bottle na maaaring ihi ang laman.

Naging maputik at mapanghi rin ang Plaza Miranda kaya binomba ito ng tubig na may sabon.

Aminado naman si Che Borromeo, pinuno ng Manila Task Force Clean Up, na hindi sapat ang basurahang itinalaga nila sa ruta ng prusisyon.

Pero sana'y umiral umano ang disiplina sa mga deboto.

Hindi naman nagawang magalit ng mga tauhan ng MMDA na naatasang maglinis, gaya nina Nene Valiente at Ruben Austria.

Para kay Valiente, karaniwang nag-iiwan ng sangkaterbang basura ang malaking pagdiriwang gaya ng Traslacion.

Itinuturing naman ni Austria na sakripisyo ang paglinis sa mga naiwang kalat.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.