Estudyante pinaso ng kandila, pinalo umano ng kahoy sa hazing

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2017 10:10 AM | Updated as of Jan 10 2017 01:13 PM

MANILA – Isang 18-anyos na estudyante ang kasalukuyang nasa pagamutan sa Makati matapos umanong maging biktima ng hazing ng isang sorority group.

Nagtamo si "Ana," Tourism student ng isang unibersidad sa Maynila, ng pasa sa likurang bahagi ng hita at mga paso ng kandila sa likod makaraang sumailalim umano sa initiation rites ng isang samahan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, Disyembre 2016 nang simulang kulitin si Ana ng kanyang mga kaklase na pawang miyembro ng isang sorority group na sumali, pero tumanggi siya.

Enero 3 nang harangin ang biktima ng kanyang mga kaklase sa loob ng paaralan at binantaan pa na papatayin kung hindi sasali. Sa takot umano nito, sumama siya at dinala siya sa gym kung saan sumailalim sa tinatawag ng sorority na blessing o ang paghahanda sa initiation.

Enero 8 nang mangyari ang initiation rites.

Ayon kay Ana, sinabihan lang aniya siya na may outing sila kaya pinagdala siya ng pagkain, kandila, at sako.

Alas-9:30 ng umaga nang sunduin siya ng kanyang mga kaklase sa isang convenience store at dumiretso sila sa isang inabandonang bahay sa Las Piñas.

Pagdating aniya sa lugar, halos nasa 40 miyembro ng sorority group ang naghihintay at saka sinimulan ang initiation.

Pinaluhod umano siya at piniringan ng panyo ang kanyang mga mata. Apat na babae umano ang nagsalit-salitang pumalo sa kanya.

Halos nasa 50 palo ng belt at kahoy ang kanyang tinanggap kasabay ang pagpaso ng kandila sa kanyang likod. Sinabunutan at sinampal din umano siya.

Alas-2:30 ng hapon nang matapos ang initiation, ngunit nagtagal pa siya ng anim na oras sa lugar.

Bandang alas-8 ng gabi nang ihatid siya ng kanyang kaklase sa kanilang bahay.
 
Enero 9 na ng hapon nang malaman ng mga magulang ni Ana ang insidente at agad siyang isinugod sa ospital.

Galit at dismayado ang mga magulang ni Ana sa nangyari at handang panagutin ang gumawa nito sa kanilang anak.

Patuloy na ginagamot ngayon si Ana sa ospital. Under observation pa ito dahil namamaga at puno pa ng pasa ang kanyang mga hita.

Dumulog na ang pamilya sa Southern National Capital Region-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iniimbestihagan na ang insidente.

Sinusubukan kunan ng pahayag ang sorority tungkol sa insidente subalit wala pa silang tugon.