Lalaki nagbanta sa ex: kamatayan o sex

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2018 04:58 PM | Updated as of Jan 09 2018 05:44 PM

Huli sa entrapment ang lalaking nagbanta sa kaniyang ex. Yen Mangompit, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS - Inaresto sa entrapment operation sa siyudad na ito ang isang lalaking nagbanta umanong papatayin ang dati niyang kasintahan kung hindi ito makikipagtalik sa kaniya. 

Kahit umano ang bagong nobyo ng babae, binabantaan ng 20 anyos na suspek na napag-alamang isang merchandiser sa isang mall dito. 

Ayon sa biktimang si alyas Kathleen, hiniwalayan niya ang suspek nitong Disyembre dahil sa selos. Pero paulit-ulit aniya ang banta nito sa kaniya kaya napilitan na siyang magsumbong sa pulisya.

"Nakita man gud niya na naa na koy uyab, mao tong kada pag-uli na lang sa trabahuan magtxt na siya na patyon lagi daw mi niya. ako ug akong uyab kung dili ko makipag-sex niya," sabi ng babae. 

(Nakita niya na may nobyo na ako. Kada pag-uwi galing trabaho, magte-text siya. Patayin daw niya ako at ang aking kasintahan kung hindi ako makikipag-sex sa kaniya.)

Sa ikinasang entrapment operation, naaktuhan ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang suspek kasama ang dati niyang nobya sa kuwarto ng isang lodge sa Barangay Lagao. 

Hawak na ng mga awtoridad ang mga text message ng suspek sa biktima. Pero nang tanungin ito kung totoo ang mga bintang sa kaniya, maikli ang kaniyang naging sagot. 

"'Di ko magagawa 'yan. Mahal na mahal ko siya," sabi ng suspek, na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Violence Against Women and Children Act. -- ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.