Lalaki balik kulungan matapos mahuli sa buy-bust sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2018 09:45 AM

GENERAL SANTOS CITY - Arestado ang isang lalaking dati nang nasangkot sa ilegal na droga matapos mahuli sa isang buy-bust operation sa Barangay Apopong dito sa siyudad Biyernes ng gabi. 

Isang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha kay Jonathan Tandoy sa operasyon na ikinasa ng Police Station 2 drug enforcement team sa national highway. Nakumpiska rin sa kaniya ang marked money na P300.

Todo tanggi naman si Tandoy sa alegasyon.

Ayon sa kaniya, galing siya sa bayan ng Polomolok, South Cotabato lulan ng isang pampasaherong van. Papunta umano siya sa kaniyang kapatid na nakatira sa barangay pero nang makababa, agad na lang siyang dinakip ng mga pulis, aniya. 

Giit din niyang itinanim lamang ang mga ebidensiya laban sa kaniya.

Aminado naman siyang nakulong siya sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga sa General Santos City Jail noong 2003. Pero na-dismiss umano ang kaniyang kaso at nakalaya siya noong Agosto 2016. 

Ayon naman sa pulisya, lumulutang pa rin ang pangalan ni Tandoy sa mga inire-report sa kanila ng mga sumusukong sangkot sa ilegal na droga kaya inilagay nila sa kanilang target list si Tandoy.

Si Tandoy ang unang drug suspect na nahuli ng Police Station 2 mula nang ibalik sa pulisya ang pangunguna sa kampanya laban sa droga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.