Binata, pinatay sa saksak sa Batangas

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2018 06:06 PM

Patay sa pananaksak ang isang 18 anyos na lalaki, Huwebes ng gabi sa Batangas City. 

Natagpuan ang bangkay ni Jancel Macalintal alas-11:30 ng gabi sa eskinita malapit sa tinitirahan nitong bahay sa Sitio Puyo, Barangay Sta. Clara.

Ayon sa pulisya, may saksak sa leeg si Macalintal at tila pinukpok ng matigas na bagay dahil sa natamo nitong tama sa ulo.

Kuwento naman ni Noel Hernandez na tumatayong ama ng biktima, isang kabarkada ang umano'y makailang ulit na nagyaya sa kanyang anak para makipag-inuman kagabi. Tila sinadya umanong sunduin sa bahay si Macalintal para patayin. 

"Sabi ‘tara, mag-inom tayo’. Sumama si Jancel. Maya-maya wala pa daw, sabi ng asawa ko siguro'y 15 minutes 'yun, si Jancel bagsak, nakahandusay daw," aniya.

Hinala ng pamilya, personal na alitan ang pinagmulan ng insidente.

"Dahil daw 'yung batang 'yan daw ay para daw may nakakaaway. Parang may kaalitan nu'ng mga ilang araw na siguro," dagdag ni Hernandez. 

Samantala, mayroon nang tinitingnang person of interest ang Batangas City police sa pagpatay sa binatilyo. Minabuti nilang huwag munang ibulgar ang pagkakakilanlan nito para hindi umano makasagabal sa imbestigasyon.

"Initially, hindi pa natin talaga mapangalanan 'yung person of interest natin dito based sa report considering wala naman talagang nakakita, naka-witness. But we already identified a person of interest. So most probably 'yung kainuman niya during that incident," sabi ni Superintendent Wildemar Tiu. 

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang kutsilyo at ice pick na ginamit umano sa pananaksak. 

Tuloy pa naman ang imbestigasyon ng pulisya para makumpirma kung sino ang taong nasa likod ng pamamaslang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.