Trabahador, patay nang mabaril ng may-ari ng niloobang bahay sa Bulacan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 12:21 AM

Patay ang isang lalaki matapos mabaril ng may-ari ng bahay na kaniya umanong pinasok at pinagnakawan sa Barangay Pulong Buhangin, Santa Maria, Bulacan Miyerkoles ng madaling araw.

Pero nanlumo ang biktima nang makilala ang kaniyang napatay na si Peter Agua ay trabahador pala niya sa ginagawang bahay.

Kwento ng mag-asawa, nagising sila pasado ala-1 ng madaling araw dahil sa walang tigil na pagtahol ng aso.

Nang sila ay bumangon, nakita nila ang isang lalaki na nakatakip ang mukha at may bitbit na shoulder bag.

Hinabol ang kawatan ng padre de pamilya, na kinilalang alyas Jay, pero tinangka umano siyang sugurin ng saksak kaya binaril niya si Agua.

Nang tanggalin ng mga pulis ang takip sa mukha, laking gulat at panghihinayang ng may-ari ng bahay dahil trabahador niya siya sa ginagawang bahay.

"Hindi ko naman akalain na magagawa sa akin. Minsan umuutang P1,000, P500. Wala kaming masamang pinagsamahan niyan. Bakit nagawa niya iyon? Kung alam ko lang Diyos ko po," pahayag ni Jay.

Narekober mula kay Agua ang shoulder bag na naglalaman ng laptop, cellphone, wallet at pera.

Nakapasok umano ang suspek sa kwarto ng mag-asawa kung saan kasamang natutulog ang anak na sanggol sa pamamagitan ng pagbukas sa sliding window.

Ayon naman kay Supt. Rainer Balones, hepe ng Santa Maria police, posibleng may kasama umano si Agua sa pagnanakaw.

"Malaki ang bahay kaya hindi ito gagawin ng mag-isa lamang," aniya.

Ayon naman sa barangay, ito na ang ikatlong beses na may pinasok na bahay sa kanilang lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.