Bulgarian, timbog dahil sa tangkang ATM skimming sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 02:48 AM

Kuha ng City of San Fernando Police

Arestado ang isang Bulgarian national matapos mahuli sa tangkang pagnanakaw sa isang ATM gamit ang isang skimming device sa San Fernando, Pampanga Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Ivaylo Sashov Galabov, 37-anyos. Nakuha mula sa kanya ang 103 ATM cards, laptop, point of sale (POS) terminal na ginagamit pang-clone ng ATM at $1,000.

Nahuli si Galabov ng San Fernando city police sa isang bangko kung saan nahuli rin noong Hulyo ang tatlong foreign nationals na sangkot din sa ATM skimming.

Kinilala ang tatlo na sina Radu Minodor Sandor, isang Nicaraguan, at dalawang Romanian na sina Marcu Bogdan at Petro Loan Uveges.

Inaalam pa ngayong ng pulisya kung may iba pang kasamahan si Galabov. Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.