Barbero sinaksak ng gunting ang kaalitang landlord

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 09:43 AM | Updated as of Jan 04 2018 10:47 AM

Dinala na sa pagamutan ang biktimang si Christopher David matapos na masaksak ng gunting ng suspek na si Eddie Maat sa Navotas City.

MANILA - Inaresto ang isang barbero matapos niyang saksakin ng gunting ang may-ari ng kaniyang inuupahang kuwarto sa Navotas, Miyerkoles.

Matagal nang may alitan ang 2 dahil sa kabiguan ng biktima na tubusin ang kuwartong isinangla niya sa halagang P40,000 sa suspek na si Eddie Maat.

Kuwento ni Myrna, ina ng biktimang si Christopher David, "Lagi niya (Maat) kinukompronta yung anak ko na ibigay mo na sa akin yung pera dahil aalis na ako, tubusin mo na."

Lasing aniya si Maat nang muli nitong kumprontahin si David, Miyerkoles ng gabi. Nagpambuno sila hanggang makakuha ng gunting ang suspek at saksakin ang biktima sa leeg at tagiliran.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na haharap sa kasong attempted homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.