'Sandra Cam, maaaring alisin sa PCSO dahil sa mga paglabag'

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 11:40 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maaaring suspendehin o kaya'y alisin sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang board member na si Sandra Cam dahil sa kaniyang mga bintang laban sa tanggapan at iba pang paglabag, ayon sa general manager ng PCSO.

Ipinarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ni PCSO General Manager Alexander Balutan ang isyu kay Cam.

Ayon kay Balutan, bukod sa mga paninira sa PCSO, naglalabas din si Cam ng "confidential documents" ng tanggapan.

Hindi rin aniya inirerespeto ni Cam ang PCSO chain of command at tuloy rin sa paglabag ng kartilya o charter ng kanilang opisina.

"Puwede siyang i-suspend diyan or puwede siyang tanggalin outrightly... as long as it is approved by the President," ani Balutan. "We will recommend that, we have a strong evidence."

Bukod kay Duterte, ipinarating na rin ni Balutan ang isyu sa Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations na may hawak sa PCSO.

Hindi naman natinag si Cam at igiiniit na iniiba lang ni Balutan ang usapan para matabunan ang usapin sa PCSO Christmas party issue na iimbestigahan na ng Kamara.

Ayon din kay Cam, magdadala siya ng sariling abogado sa kanilang board meeting.

Inaasahang muling magkikita sina Cam at Balutan sa PCSO board meeting sa isang linggo. 

"Kapag magkaroon ng board meeting at iaano nila sa akin ang sanction, I have to bring my lawyers with me because remember, I am a member of the [PCSO] Board," ani Cam.

Kahit din daw makalaban pa niya ang buong PCSO board, hindi aniya siya titigil sa pagbubungkal ng dumi sa PCSO.

"Public office is a public trust. Hindi niya puwedeng sabihin na bawal dahil that is a public document. I just want to remind Mr. Balutan, it's the freedom of information," sabi ni Cam.

NAG-UGAT SA CHRISTMAS PARTY

Simula pa noong mga huling buwan ng 2017, nagbabangayan na sina Cam at Balutan sa iba pang alegasyon tulad ng umano'y P9.88 na milyong ginastos sa PCSO Christmas party.

Ayon kay Cam, gumastos ng P9.88 milyon ang PCSO para sa party nito sa isang "five-star" hotel sa Mandaluyong.

Ayon naman kay Balutan, P6.2 milyon lang ang ginastos ng PCSO sa party mula sa P10 milyong inaprubahang budget ng board.

Sinabi rin kamakailan ni Cam na nakikinabang ang liderato ng PCSO sa umano'y maling deklarasyon ng kita sa small town lottery (STL).

Tingin naman ni Balutan, gusto lang mahawakan ng kakampi ni Cam na si Atong Ang ang operasyon ng STL sa bansa.

Itinanggi rin ni Balutan ang bintang ni Cam na mas maraming mayayaman ang nabibigyan ng PCSO medical assistance kaysa mahihirap.

"Kaya naming sagutin kahit anong korte,'yong sinasabi kung may pinapaboran pa sinasabi nga, patunayan po nila," sabi ni Balutan.

May mensahe rin si Balutan sa mga umaasang siya ang iaanunsiyo ng Malacañang na sisibakin ng pangulo. 

"Medyo nakuryente sila do'n. Talagang kinain nila ang kanilang sinasabi," sabi ni Balutan.

Nauna nang nilinaw ng Palasyo na hindi taga-PCSO ang nakaambang sibakin ng presidente. 

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.