PNP chief bumisita sa hotel na ninakawan ng P4 milyon

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 08:07 AM

MANILA - Binisita ni Director General Ronald Dela Rosa, hepe ng Philippine National Police, ang isang hotel sa Pasay kung saan nakulimbat ng armadong grupo ang nasa P4 milyon na halaga ng mga gamit at cash, sinabi Miyerkoles ng pulisya. 

"Kagabi, no less than the chief PNP, pinuntahan po iyung hotel at kumuha siya ng information doon," sabi sa DZMM ni Director Oscar Albayalde, hepe ng Metro Manila police. 

"Mahigpit ang bilin niya na kailangan ma-solve ang kasong iyan," dagdag niya. 

Hindi napigilan ng nag-iisang guwardyang naka-duty ang pagpasok ng 4 na kawatan sa Mabuhay Manor sa FB Harrison nitong Martes ng madaling-araw. 

Tinangay ng grupo ang pera at mga gamit ng mga empleyado at bisita ng hotel nang mabigong malimas ang vault nito.

Sinusuri ng pulisya ang CCTV footage ng hotel upang makilala ang mga kawatan, ani Albayalde. 

Pinag-aaralan din aniya ng mga imbestigador ang kuha ng CCTV sa van na ginamit ng grupo sa pagtakas. 

Una nang sinabi ng Pasay police na maaaring "inside job" o may kasabwat na "taga-loob" ang mga suspek. 

Posible rin anilang mga miyembro ng organisadong sindikato ang mga kawatan dahil gumamit sila ng silencer, na mahirap makuha.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.