Pangulo, OK sa Marcos deal, pero kailangan ng batas: Roque

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 07:01 PM

Iginiit ng Malacañang nitong Miyerkoles na tali ang kamay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pakikipagnegosasyon sa pamilya ni dating diktador Ferdinand Marcos habang wala pang batas na mangangasiwa dito. 

Ito'y matapos maisapubliko ang binalangkas na "compromise agreement" ng abogadong si Oliver Lozano, na layong ipamigay ang umano'y mga tagong yaman ng pamilya Marcos sa mahihirap. 

Gayumpaman, hindi umano kontra si Duterte na plantsahin ang gusot sa pagitan ng mga Marcos at ng mga biktima ng rehimen nito. 

"The President's statement actually was that he is for it but he needs a law to authorize him to enter into one. So...while he is for it, it appears that his hands are tied unless there is a law authorizing him to enter into such a compromise agreement," ani Presidential Spokesman Harry Roque.

Dagdag ni Roque, nangangailangan ng espesyal na batas para sa pakikipagnegosasyon sa mga Marcos dahil maraming nakabimbing kaso ang mga ito. 

"We have criminal laws penalizing plunder and it will be contrary to law to enter into a compromise agreement," ani Roque.

Itinanggi rin ng Palasyo na inaksyunan na nila ang draft proposal ni Lozano.

Tulad ng pahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, minaliit lamang ni Roque ang dokumento ni Lozano lalo na't hindi ito kumakatawan sa sinomang Marcos.

--May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.