Nawawalang call center agent, hinahanap pa rin sa nasunog na mall sa Davao

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 06:14 PM

DAVAO CITY - Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang isang babaeng call center agent na maaaring na-trap sa nasunog na NCCC Mall.

Hindi pa nakikita ang 'di pinangalanang babae halos 2 linggo matapos magliyab ang gusali kung saan halos 40 tao ang namatay.

Pansamantalang hininto ang search and rescue operations noong nakaraang linggo matapos makarinig ng pagsabog sa loob ng mall.

Ayon sa mga awtoridad, nasa 60 pursiyento na ang isinasagawang imbestigasyon ukol sa insidente.

Samantala, ilang grupo ng call center agents sa lungsod ng Baguio ang nagsagawa ng rally sa Malcolm Square upang ipanawagan ang hustisya para sa mga biktima ng sunog sa NCCC Mall.


"Kapabayaan ang nangyari sa Davao. May paglabag sa occupational safety standards ang kumpaniya ng call center sa Davao," ani Vicente Toca, coordinator ng BPO Industry Employees Network (BIEN).

Nagsindi ng mga kandila bilang simbulo ng pagluluksa at paghingi ng hustisya ang mga lumahok sa kilos-protesta.

Ilang kaparehong programa ang naganap din sa Manila, Bacolod at Cebu.

- ilang ulat mula kina Melinda Ramo at Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.