Mga magsasaka sa Davao, humihingi ng tulong matapos masalanta ng 'Vinta'

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 09:14 PM

Mahigit 2,000 magsasaka sa bayan ng Asuncion, Davao Del Norte ang matinding naapektuhan ng bagyong Vinta.

Malungkot ang magsasaka na si Cherry Asayas dahil halos wala na siyang maaani sa kanyang tanim na palay matapos malubog sa baha ang kanyang palayan.

Ang mas nakakalungkot nito, kahit walang kita ay obligado pa rin siyang magbayad ng renta dahil tenant lamang siya sa kanyang lupang sinasaka.

"Perwisyo kaayo labi na nga naay kalamidad muabot tungod sa kalisod atong ihilak na lang ni way mhimo ani,"aniya.

(Perwisyo talaga lalo na na may kalamidad na darating, dahil sa kahirapan iiyak na lang ako dahil wala akong magawa nito.)

Ayon sa Municipal Agriculture Office, sa kanilang insiyal na assessment, mahigit dalawang libong magsasaka ang apektado sa Asuncion. Nasa 15 barangay rin ang nalubog sa baha at aabot sa mahigit 700 ektarya ng palayan, niyugan, taniman ng cacao at saging ang naapektuhan ng baha.

Gayunpaman, may mga magsasaka ang insured na sa Philippine Crop Insurance Corporation. Maliban dito, mayroon ding ibibigay na pinansyal na ayuda ang Department of Agriculture sa mahigit 5,000 magsasaka sa Davao Region na matinding naapektuhan sa baha.

"Sana ay makarating dito ang tulong para 'di magkagulo ang mga farmers. Dapat lahat sila meron kung meron talagang tulong para makatulong sa kanila," ani Municipal Agriculuture Officer Vangie Andoy.

Nais ng mga magsasaka na makarating agad ng tulong upang makabawi na sila sa kanilang pagkalugi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.