Mga empleyado, guwardiya ng Pasay hotel, 'persons of interest' sa holdap

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 09:58 PM | Updated as of Jan 03 2018 11:36 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Itinuturing na ngayong "persons of interest" ang mga empleyado at guwardiyang naka-duty nang mangyari ang panghoholdap sa isang hotel sa Pasay nitong Martes, Enero 2.

Tinututukan pa rin ng Pasay police ang anggulong inside job o ang posibilidad na may kasabwat na "taga-loob" ang grupong lumusob at tumangay ng tinatayang P4 milyong halaga ng gamit mula sa mga tauhan at bisita ng Mabuhay Manor hotel.

"Pinag-aaralan natin 'yong galaw ng mga tao sa loob, kasama na diyan 'yong guwardiya. 'Yong kaniyang galaw during the time bago mangyari ang insidente," ani Supt. Gene Licud, deputy chief for operations ng Pasay City Police.

Para makatulong sa imbestigasyon, planong i-post ng Philippine National Police (PNP) ang larawan ng mga kawatan sa social media at umaasang mas mapapabilis ang pagtukoy sa kanilang pagkakakilanlan.

"Sa mga past incident natin, nakita ko ang importansiya ng social media para mapabilis 'yong aming imbestigasyon, at the same time... ma-identify at mahuli agad ang perpetrator," sabi ni Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., hepe ng Southern Police District.

Sa mga kuha ng CCTV ngayon nagbabase ang mga imbestigador upang matunton ang mga salarin. 

Sinusuri na rin ng PNP ang mga kuha ng CCTV sa paligid ng hotel.

Nito ring Martes, personal na pinuntahan ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa ang hinoldap na hotel at nag-utos sa pulisya na lutasin ang kaso sa lalong madaling panahon.

Inaalam na rin ng PNP kung may nilabag na batas ang hotel lalo't isa lang ang guwardiyang nakaposte nang mangyari ang krimen.

"We're here to really give the full support, the cooperation to the incident," sabi ni James Lising, general manager ng Mabuhay Manor hotel.

Nananawagan din ang Pasay City Police sa mga may impormasyon sa mga lalaking nanloob sa Mabuhay Manor Hotel na makipag-ugnayan agad sa kanila sa mga numerong:
831-1359 at 0915-169-4905

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.