Lalaking nang-agaw ng tricycle at nangholdap ng gasolinahan, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 03:40 AM

Arestado ang isang lalaki matapos mang-agaw ng tricycle at mangholdap sa isang gasolinahan sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang suspek na si Gonzalo Bautista, alyas Junjun, na sangkot na umano sa ilang insidente ng panghoholdap.

Nagsimula ang insidente Lunes ng gabi nang makunan si Bautista sa isang CCTV na nang-agaw ng tricycle.

Nakunan na naman siya ng CCTV na nangholdap ng isang gasolinahan sa Ramon Magsaysay Street at itinangay ang P8,000.

Kinagabihan, tinutukan naman ni Bautista ng baril si Lourdes Lantican, ang kapitana ng kanilang barangay.

Paniwala ng kapitana, siya ang pinagbibintangan ng suspek na nagsumbong sa kanya sa pulisya.

Ayon naman kay PO3 Dindo Encina ng Sampaloc Police Station, top priority umano nila si Bautista.

"Notoryus na ito dahil palaging may dalang baril," aniya.

Mahaharap si Bautista sa patung-patong na kaso. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.