Lalaki patay sa dobleng disgrasya sa Batangas

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 08:45 PM | Updated as of Jan 04 2018 09:48 AM

Patay ang isang lalaki nang magkabanggaan ang isang motorsiklo at tricycle sa kahabaan ng national highway sa Barangay Pinagtung-ulan sa bayan ng San Jose sa Batangas noong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Mark Anthony Ona, 24 anyos.

Ayon sa pulisya, walang suot na helmet ang biktima at hiniram lang ang dalang motorsiklo sa isang kabarkada.

Inamin naman umano ng may-ari ng motorsiklo na bahagyang nakainom si Ona, bagay na kalauna'y itinanggi ng pamilya nito.

Isinakay si Ona sa isang patrol vehicle papuntang ospital, ngunit naaksidente rin ito at bumangga sa isang van.

Nawalan umano ng kontrol sa manibela ang nagmamaneho ng patrol vehicle.

Sugatan sa ikalawang aksidente sina Jojie Andal, ang nagmamaneho ng patrol vehicle, Norven Umali, Richard Umali, Milo Flores, Christian Didor at Restie Umali.

Naunang nadala sa ospital ang mga kasama ni Ona sa patrol vehicle, at idineklara siyang dead on arrival sa pagamutan.

Masama ang loob ng ina ni Ona sa nangyari. Lumalabas sa imbestigasyon na hindi alam ng mga sumaklolo sa ikalawang aksidente na sugatan na si Ona bago madisgrasya ang patrol vehicle.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang iba pang mga nasugatan na sakay ng patrol vehicle.

Naka-hospital arrest naman ang driver ng tricycle na nakabanggaan ni Ona na kinilalang si Dan Mayo.

Sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property si Mayo, na itinangging siya ang bumangga kay Ona.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.