Isa sa 6 na pumuga sa Laguna Provincial Jail, nadakip

Albert Lumbera, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 05:35 PM

Nadakip na ang isa sa 6 na presong pumuga mula sa Laguna Provincial Jail noong Oktubre.

Arestado nitong Martes sa isang entrapment operation si Rio Mahilom matapos ang mahigit 2 buwan nitong pagtatago sa mga alagad ng batas.

Ayon sa pulisya, halos hindi umano makilala noong una si Mahilom dahil sa kasuotan nitong tagong tago ang mukha.

Si Mahilom ang umagaw sa M-16 rifle ng jail guard sa kulungan matapos nilang tumakas ng kanyang mga kasamahan.

Nagtago ito at pumunta sa Caloocan kung saan siya namasukan bilang isang construction worker.

Ayon kay Marino Garcia, officer-in-charge ng Laguna Provincial Jail, miyembro rin ng isang gun-for-hire group si Mahilom.

"Aside from construction worker active din siya dun sa dati niyang trabaho as a member of a gun for hire group," aniya.

Pinabulaanan naman ni Mahilom ang mga paratang sa kanya. Hindi umano siya miyembro ng gun-for-hire group at hindi rin siya ang pasimuno sa kanilang pagtakas.

Inamin rin niyang natatakot siya nang panahong tumakas sila.

Sa pagkadakip kay Mahilom, tanging si Rayman Raymundo na lang ang pinaghahanap ng pulisya sa anim na pumugang preso.

Patuloy ang pag-monitor ng pulisya sa lokasyon ni Raymundo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.