Coach na 'nanghalay' ng dalagitang atleta, nakatakas dahil sa anak

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 04:05 AM | Updated as of Jan 03 2018 08:19 AM

MANILA - Sa tulong ng kaniyang anak, nakahulagpos mula sa mga pulis ang isang dating volleyball coach na inakusahang nanghalay sa kaniyang 12-anyos na manlalaro. 

Nagtungo ang mga pulis sa bahay ng suspek na si Dennis Laping sa Barangay Old Balara, Quezon City nitong Martes upang arestuhin siya kaugnay ng mga kasong statutory rape at qualified seduction. 

Inabutan ng mga awtoridad si Laping na nakatayo sa labas ng kaniyang bahay, pero bigla siyang tumakbo palayo. 

Hinabol ng mga pulis ang dating coach pero hinarang sila ng 24-anyos na anak nitong si John Erick Laping, dahilan para tuluyang makatakas ang suspek. 
 
Dahil dito, inaresto si John Erick. Mahaharap siya sa kasong obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders.
 
Una nang nag-alok ng P100,000 ang pamilya ng biktima sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng nakatatandang Laping. 

Sinasabing mahigit 10 beses umanong hinalay ng suspek ang kaniyang atleta sa pagitan ng Pebrero at Abril nitong nagdaang taon. Ayon sa bata, hinahalay pa siya ng coach bago ang training. 

- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.