Bahay ni Freddie Aguilar sa QC, nasunog

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 03:28 AM | Updated as of Jan 03 2018 04:27 PM

 

A post shared by Jekki Pascual (@newspatrol) on

(UPDATED) Nasunog ang bahay ng tanyag na recording artist na si Freddie Aguilar sa North Fairview, Quezon City Martes ng gabi.

Tinatayang hindi bababa sa P20 milyon ang halaga ng gamit na natupok ng apoy, kabilang na ang mga orihinal na record ng kantang "Anak" at iba pang awitin ni Aguilar. 

Sunog din ang mga awards, paintings, mga antigong gamit at mahigit 12 mga mamahaling gitara.

Ayon kay Aguilar, nalulungkot siya dahil ipamamana pa niya sana sa mga apo niya ang mga collector's items na kanyang pagmamay-ari. Pero nagpapasalamat siya na walang nasaktan sa kaniyang pamilya.

"Iyong mga CD na pinaghirapan ko, ewan ko kung buhay mga records sana. Nandiyan iyong mga bestseller ko na album, mga di pa nabuksan," kuwento ni Aguilar. "Pero OK lang, at least walang buhay na nawala."

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, sumiklab ang sunog pasado alas-11 ng gabi at nagsimula sa music room sa ground floor.

Sa kasagsagan ng apoy, nasa second floor ang asawa at biyenan ni Aguilar. Sa sobrang lakas ng apoy, dumaan sila sa balcony at tumalon sa bubong ng kapitbahay.

Isang gitarang nagkakahalagang kulang-kulang $5,000 ang nag-iisang gitarang naisalba.

Naapula ang apoy pasado alas-11:22 ng gabi at idineklarang fire out pasado alas-11:38.

Ayon kay Insp. Rosendo Cabillan ng BFP, 70% ng bahay ay nasunog at dalawang sanhi ang kanilang tinitingnan. 

Una ay ang overloading sa electrical system at, pangalawa, posibleng may leak sa tubo ng tubig na posibleng umabot sa mga wiring ng bahay.

Pinaaalalahanan ang publiko na laging inspeksiyonin ang electrical wiring sa bahay lalo at dumarami na ang mga appliances at gadgets.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.