ALAMIN: Mga negosyong 'suwerte' sa 2018 Year of the 'Earth Dog'

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 11:27 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tinalakay ni feng shui master Hanz Cua sa programang "My Puhunan" ang mga negosyong suwerte o papatok sa 2018 na "Year of the Earth Dog."

Ayon kay Cua, isa sa mga papatok na negosyo sa 2018 ang food o restaurant business.

Makahahanap ng suwerte sa ganitong negosyo ang mga ipinanganak sa year of the boar, monkey, rooster, ox, at sheep.

“Mag-isip tayo ng kakaibang twist para mas ma-enhance natin ang good fortune ng negosyo nating papasukin,” payo ni Cua sa mga negosyanteng papasok sa food business.

“Mainam maglagay sa cashier box ng ‘wealth-inviting cat.’ Ito po ay kumakaway, tumatawag ng maraming customer papasok sa ating restaurant or food business.”

Bukod sa wealth-inviting cat, maaari ring sumangguni sa eksperto para gamitan ng feng shui compass ang lugar ng negosyo.

Malalaman sa feng shui compass kung ano'ng tama at maling direksiyon ng mga "elemento" sa isang lugar.

Puwede ring mag-display ng "prosperity pig" para pampasuwerte sa negosyo.

“Ang ‘prosperity pig’ ay mainam o masuwerteng display ‘to sa tindahan para tumawag ng suwerte. Ang mga pig ay symbol or suwerte sa mga animal zodiac na year of the tiger, year of the rabbit, at year of the sheep. Ang prosperity pig na ‘to ay hindi mainam or hindi suwerte if ang may-ari is year of the snake dahil ang pig at snake ay magkalaban,” ani Cua.

“Upang mas ma-enhance natin ang suwerte o kasaganahan sa ating negosyo, importante na bright, maliwanag, malinis ang pintura, at maliwanag ang mga ilaw sa ating mga negosyo,” anang feng shui expert.

Papatok din sa 2018 mga negosyong may kinalaman sa online selling. Suwerte sa negosyong ito ang mga ipinanganak sa year of the dog, rabbit, horse, at pig.

Pero ayon kay Cua, hindi masuwerteng magbukas ng online business sa mga buwan ng Agosto at Nobyembre.

Patok din sa 2018 ang beauty business o negosyong may kinalaman sa pagpapaganda.

Susuwertehin sa ganitong negosyo ang mga ipinanganak sa year of the ox, sheep, monkey, dog, at snake.

Mga suwerteng buwan din para pasukin ang beauty business sa Enero, Pebrero, Marso, Agosto, at Oktubre.

Masusuwerteng kulay rin para sa beauty business ang purple, violet, at pink.

“Importante na ang tindahan na may kinalaman sa beauty is mabango. Ito ang nagtatawag sa mga customer para mas marami silang mabili sa inyong mga negosyo,” payo ni Cua.

Susuwertehin naman aniya ang mga ipinanganak sa year of the ox, rabbit, sheep, boar, dog, tiger, at horse sa mga negosyong may kinalaman sa construction o metal.

“Ang mga may kinalaman sa negosyong metal or construction ay magbu-boom pa rin sa year of the 2018, year of the earth dog”

“Ang dog ay loyal, mapagkakatiwalaan, trustworthy, at honest,” paglalarawan ni Cua sa animal zodiac ngayong taon.

Aniya, dahil sa katangiang iyan ng aso, dapat ding maging maingat ang mga negosyante.

“Itong taon na ‘to, kailangan nating magdoble-ingat, huwag maging agresibo, mag-'lie-low' muna tayo, strong planning bago mag-open o magsimula ng negosyo. Importante rin ang tamang feng shui para mas ma-enhance natin o magdagdag suwerte sa ating mga negosyong papasukin sa 2018.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.