‘Akyat-bahay’, patay matapos barilin sa umano’y niloobang bahay sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 05:21 AM

Patay ang isang lalaki matapos mabaril ng may-ari ng bahay na kanya umanong pinasok at pinagnakawan sa Barangay Pulong Buhangin, Santa Maria, Bulacan Miyerkoles ng madaling araw.

Kwento ng mag-asawa, nagising sila pasado ala-1 ng madaling araw dahil sa walang tigil na pagtahol ng aso.

Nang sila ay bumangon, nakita nila ang isang lalaki na nakatakip ang mukha at may bitbit na shoulder bag na may laman na laptop, pera at wallet.

Hinabol siya ng padre de pamilya pero tinangka umano siyang sugurin ng saksak kaya binaril siya.

Nakapasok umano ang suspek sa kwarto ng mag-asawa kung saan kasamang natutulog ang anak na sanggol sa pamamagitan ng pagbukas sa sliding window.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.