8-anyos na bata, patay ng maatrasan ng truck sa Baguio

Marianne Reyes, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2018 12:21 PM

BAGUIO CITY - Isang 8-anyos na batang lalaki ang namatay matapos maatrasan ng isang truck, Martes.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon. naglalaro at sumasabit-sabit ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa likod ng truck.

Sinaway na sila nang driver ng truck pero sumabit pa rin ang biktima. Habang nakasabit sa truck, nadulas ang bata at nagulungan ng umaatras na truck, sabi ng mga awtoridad.

"So umalis sila pero 'yung biktima bumalik tapos pumunta sa likod so habang umaatras 'yung sasakyan, umatras din siya so sabi ng mga kasama niya, natisod siya, natumba. Na-run over siya nung rear right tire," sabi ni SPO3 Elmo Guzman.

Giit ng driver ng truck na si Rodrigo Kidlo Pajarillo, hindi niya sinasadyang maatrasan ang bata dahil hindi niya napansin na nahulog ito.

"Hindi ko gusto na makadisgrasya ako ng tao. Tao lang ako, sana pasensyahan niyo ako kung ano yung nagawa ko," ani Pajarillo.

Ngunit reklamo ni Julie Clenaur, nanay ng biktima, ilang beses nang sinasabihan ng mga residente ang driver na huminto muna sa pag-atras.

"Ang pinag-aanuhan ko lang, bakit yung driver, kinakalampag na lahat-lahat yung sasakyan, sumisigaw, di pa huminto?" ani Clenaur.

Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide ang driver ng truck.

Ito ang kauna-unahang vehicular accident na naitala sa Baguio City ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.