Suspek sa indiscriminate firing, napatay ng mga pulis

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2017 09:18 AM

MANILA - Napatay matapos umanong manlaban sa mga pulis Lunes ang isang lalaking itinuturong nagpapaputok ng baril, na posibleng dahilan ng pagkakasugat ng isang binatilyo sa Pook Pag-asa, Batasan Hills sa Quezon City noong bisperas ng Bagong Taon.

Ayon sa police report, pasado alas-4 ng hapon pinuntahan ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station 6 ang Kabisig corner Katangian Street para imbestigahan ang ulat ng isang concerned citizen na nakakita kay alias Harold Moises na may dala dalang baril.

Sinasabing pinaputukan ni Moises ang mga awtoridad ng makita ang mga ito, dahilan para gumanti sila ng pamamaril.

Idineklarang dead on arrival si Moises sa East Avenue Medical Center.

Nakuha sa kanya ang isang kalibre .45 na baril na walang serial number gayundin ang ilang live ammunition.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.