13 firecracker injuries naitala sa Cordillera

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Jan 03 2017 11:27 AM

Umabot na sa 13 ang bilang ng mga nasugatan ng paputok habang tatlo naman ang arestado dahil umano sa pagpaputok ng baril sa Cordillera.

Hindi masaya ang pagsalubong sa Bagong Taon ni alyas "Jerome” matapos siyang tamaan ng paputok ng kanilang kapitbahay sa Barangay Kias, Baguio City.

Sa tala ng Department of Health Cordillera, simula Disyembre a-21 hanggang Enero a-1, umabot na sa 13 ang bilang ng nasugatan ng papuptok. 

Ang pinakabatang biktima ay tatlong taong gulang na nakalunok ng lusis pero agad din nakauwi habang 53-anyos naman ang pinakamatanda. 

Pinakamaraming naging biktima ng paputok ay mula sa Baguio City at Abra.

“There is a reduction as far as itong firecracker related injuries are concerned, as well as to the stray bullets and indiscriminate firing. Last year, we recorded 63 firecracker related incident from December 21 to January 5, so that registered 82 percent reduction,” sabi ni Police Chief Superintendent Elmo Sarona.

Sa kabila ng pagbabawal ng bentahan ng paputok sa Baguio, may mga nakumpiska pa ring paputok na P30,000 ang kabuuang halaga na ibinenta sa Zandueta Street, Perfecto Street, Lakandula at Hangar Market.

Samantala, arestado naman ang retiradong pulis na si Wilfredo Duenas at sundalong si Private First Class Rasam Dangiwan mula Kalinga, at Serafin Fianza mula Benguet na nagpaputok umano ng baril sa bisperas ng Bagong Taon.

Maaring maharap sa reklamong illegal possession of fire arms, alarm and scandal o illegal discharge of firearms ang mga nahuli.

“Ang maganda naman dito we have no victim, no wounded or injury inflicted brought about by those cases of indiscriminate firing. Doon lang sa stray bullet in Kalinga may tinamaan sa kamay. However, we have arrested naman yun suspect,” sabi pa ni Sarona.

May natagpuan namang basyo ng bala sa Kias, Baguio City. Inaalam pa kung saan ito galing.