'Vinta' survivor, di maalala kung sino siya matapos maanod ng baha

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 02:06 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Isang binatilyo na pinaniniwalaang inanod ng baha sa Lanao del Norte ang natagpuang buhay sa baybayin sa bayan ng Tubod ngunit ang problem, hindi niya maalala kung sino at taga saan siya.

May kaunting galos, pero walang serious physical injuries ang binatilyong biktima.Nakita ang lalaki 7 araw matapos bahain ang probinsya dahil sa bagyong "Vinta."

Walang maalala ang lalaki sa mga nangyari bago ang trahedya.

"Panic anxiety ang diagnosis sa kaniya ng doktor. Totally, blackout... Hindi niya kilala ang kaniyang sarili," ayon sa nars na si Renato Gonzales.

Nagtutulong-tulong sa pag-asikaso sa kaniya sina Gonzales at ang mga kasamahan niya sa ward ng ospital sa Tubod.

Sabi ni Annie Retiza na bantay ng isang pasyente, kinakausap niya ang binatilyo para hindi malungkot.

"Naawa ako sa kaniya dahil wala naman siyang pamilya. Mister X ang tawag ngayon sa kaniya," ani Retiza.

Ayon sa binatilyo, sa ospital na siya nagkamalay.

"Minsan sumasakit ang ulo ko. Kapag may maalala ako, bigla na lang mawawala. Minsan maalala ko, minsan hindi na. Minsan nakakapanaginip ako, pero hindi na talaga," kuwento ng lalaki.

Sa kabila nito, nagpapasalamat siya't nakaligtas sa trahedya.

Umaasa siyang matutunton din siya ng kaniyang pamilya. --Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.