P100K pabuya, alok para mahuli ang coach na humalay umano sa 12 anyos

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 11:00 AM | Updated as of Jan 02 2018 06:45 PM

MAYNILA - May P100,000 pabuya na naghihintay sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng isang volleyball coach na umano'y nanghalay ng kanyang 12 anyos na player.

Hinihikayat ng pamilya ng biktima na kontakin sila sa numerong 09454636430 kung merong impormasyon kung nasaan si Dennis Laping, na nahaharap sa statutory rape at qualified seduction.

Abril 2017 nang mahuli si Laping sa isang entrapment operation. Pero kalaunan, nakalaya rin ito at mula noon ay hindi na natunton ng mga awtoridad. 

Sa pagitan ng Pebrero at Abril nitong nagdaang taon, mahigit 10 beses umanong ginalaw ng volleyball coach ang bata. Sabi ng biktima, hinahalay pa siya ng coach bago ang training. 

Ilang ulit din umano itong dinala at ginahasa sa isang motel sa Antipolo. Matapos gahasahin, pinaiinom pa umano ng suspek ang biktima ng walong tableta ng contraceptives.

--ulat mula kay Joyce Balancio, ABS-CBN News