Mga Marcos, Palasyo, minaliit ang 'compromise deal' ni Lozano

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 08:44 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Lagpas 30 taon matapos ang EDSA People Power revolt, maraming kaso pa rin ang nakabimbin laban sa naiwang pamilya ni dating diktador Ferdinand Marcos. 

Pero nag-iba ang ihip ng hangin nang maupo sa MalacaƱang si Pangulong Rodrigo Duterte, na mas bukas daw sa pakikipagnegosasyon sa mga Marcos.

Kaya naman agresibong isinusulong ngayon ng abogadong si Oliver Lozano ang binalangkas niyang compromise agreement sa pagitan ng gobyerno at ng pamilya Marcos, na buwan-buwan umano niyang ipinapadala sa Palasyo simula Hunyo 2017.

Ang laman ng compromise agreement ay ang pagpapamigay ng pamilya Marcos ng kanilang yaman sa mahihirap kapalit ng lifting ng sequestration order sa lahat ng ari-arian nila.

Panukala pa ni Lozano na bumuo ng legal team para pag-aralan ang kaniyang proposal.

"Wala namang hinihiling ang Marcos family na i-dismiss yung mga pending criminal cases upang sila ay makabahagi ng yamang Marcos... kundi 'yung mga nasabing kaso na pending for more than 30 years ay magkaroon lang ng speedy trial," ani Lozano.

Ang basehan daw ni Lozano sa paggawa ng compromise agreement ay ang iniwang sulat ni Marcos noong Abril 9, 1973 na nagbibilin na ipamahagi sa lahat ng mahihirap na Pilipino ang mga naiwan nilang yaman. 

Ang liham ay sinumpaan naman daw ni dating First Lady at ngayo'y Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos sa gitna ng kaniyang pangangampanya sa pagka-Pangulo noong Pebrero 7, 1998.

Minaliit naman ng Palasyo ang rekomendasyon ni Lozano. Sinisi pa ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang media sa "pagpatol" kay Lozano. 

"No such compromise agreement exists. It's all in the mind of Lozano. He wrote the office and submitted a draft of a compromise. Our office just acknowledged receipt of the same. Pinapatulan niyo kasi ang inilalabas niya," ani Panelo.

Pati ang anak ng diktador na si dating Senador Bongbong Marcos, dumistansiya at pinabulaanan na sila ang may pakana sa inilalabas na dokumento ni Lozano. 

"As a point of information, Atty. Oliver Lozano does not represent any member of the Marcos family or the estate of the late President Ferdinand Marcos," ani Marcos.
 
Ang mga grupong kontra sa mga Marcos, iginiit na dapat may congressional approval ang anumang pakikipagkasundo sa mga ito.

Pero si Lozano, di daw magpapatinag at tuloy lang sa pagpa-follow up sa MalacaƱang.

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.