Mga biktima ng sunog sa Davao, umapela ng ayuda

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 12:57 PM | Updated as of Jan 02 2018 01:40 PM

Hindi na inalintana ng pamilya ni Renante Montes ang lamig na matulog sa open tent kasama ang kaniyang dalawang anak.

Kasama kasing naabo ang kanilang bahay sa nangyaring sunog sa Barangay Wilfredo Aquino, Agdao District, Davao noong kasagsagan ng pagsalubong ng Bagong Taon nitong Lunes ng madaling araw.

Tanging damit lang na kanilang suot ang naisalbang gamit ng pamilya Montes na sa kanilang kamag-anak sa Panabo City nag-New Year.

Ayon kay Montes, hiling nila na mabigyan ng pinansiyal na tulong upang magamit pambili ng materyales sa pagpapatayo muli ng kanilang bahay.

Hindi naman iniinda ni Dodong Alampayan ang lamig at hamog habang natutulog sa bangko sa labas ng evacuation center.

Ang kaniyang pamilya ay pinagtitiisan ang yero at mga kahoy na kaniyang pinagtagpi-tagpi bilang pangsilong.

Ayon kay Alampayan, ngayon niya lang napatunayang mas maigi pang manakawan kaysa masunugan.

Ang naiwang 94 pamilyang nasunugan, sa chapel, nirentahang multicab, at sa Alexian Brothers Regional House compound na pansamantala munang namalagi.

Nakapagbigay na rin ng inisyal na ayuda ang City Social Services and Development Office sa mga pamilyang apketado.

Hiling nila na mapabilis ang pinansiyal na ayuda ng gobyerno lalo na't pasukan na naman ang kanilang mga anak.

--Ulat ni Rodirey Salas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.