'Magnanakaw' napatay ng sekyu sa simbahan

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 02:52 PM

MANILA - Nabaril ng security guard ang isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos umano itong magnakaw ng pera sa loob ng simbahan sa Tayabas, Quezon, Martes ng madaling-araw. 

Dumaan ang hinihinalang kawatan sa likod ng Minor Basilica, St. Michael Church at tinangay ang donation box na may P12,000, ayon sa mga pulis. 

Nasabat ng nagrorondang security guard ang suspek habang papatakas ito sa pasilyo ng kumbento.

Sinugod umano ng suspek ang guwardya at tinangkang agawin ang baril nito, pero aksidenteng pumutok ang armas at tumama sa ulo ng kawatan.

Sumuko naman sa pulisya ang security guard. Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.