Mag-asawa, patay nang sumalpok sa van sa Agusan del Sur

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 09:19 PM

BAYUGAN CITY - Dead on arrival sa ospital ang mag-asawang Elsie at Lynvin Buico matapos sumalpok ang sinasakyang motor sa kasalubong na van Lunes alas-5 ng hapon sa national highway, Barangay Sta. Teresita sa lungsod na ito sa Agusan del Sur.

Ayon sa imbestigasyon, patungong city proper ang magka-angkas na Buico habang pauwi naman ng Prosperidad, Agusan del Sur ang driver ng van na si Andronico Ga.

Sa panayam sa telepono kay Chief Inspector Jaime Edejer, deputy chief ng Bayugan City Police Station, nabangga ng motor ang kasalubong nitong van sa pag-overtake nito.

Tumilapon ang mag-asawa sa tabing-daan, dahilan kung bakit nalagay sa peligro ang kanilang buhay.

Madulas ang daan dahil sa walang tigil na pag-ulan dala ng bagyong Agaton nang mangyari ang banggaan.

Pinag-aaralan pa ng kaanak ng mga biktima kung magsasampa ng kaso laban sa driver ng van pero handa naman nitong sagutin ang gastos sa pagpapalibing sa mag-asawang nasawi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.