Industriya ng paputok, umaasang makababangon

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 05:17 PM | Updated as of Jan 02 2018 06:40 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi masayang sinalubong ng mga pagawaan ng paputok ang Bagong Taon bunsod ng Executive Order (EO) 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nililimitahan ang paggamit ng paputok.

Ayon kay Celso Cruz, chairman emeritus ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association (PPMDA), nagdulot lang ng labis na kaguluhan ang nasabing EO. 

"Siyempre napakalungkot sa amin ito dahil nga sa confusion na idinulot nitong EO 28. Magulo ang naging sistema... Kasi 'yung EO 28 napakagulo ng pagkakabalangkas hindi malaman ng tao ngayon ano ang gagawin," ani Cruz sa programang "Failon Ngayon" ng DZMM. 

Wala rin umanong naging gaanong pagpapakalat ng impormasyon ukol sa EO kaya't nalito ang mga Pinoy sa kung ano ang bawal at hindi.

"Instead na makapagpaliwanag, mas nakapagpagulo pa sa sistema... Walang masyaong information dissemination na ginawa," hinaing ni Cruz.

Inalmahan din ng grupo ni Cruz ang pangungumpiska sa kanilang mga paputok.

"[We need a new EO] para hindi naman kawawa kami na biglang kinukumpiska na lang on the pretext na bawal daw. Napakahirap eh," ayon kay Cruz.

Balak nilang iapela ang EO at makabuo ng panibagong regulasyon na may malinaw na pamantayan. 

"Hopefully itong year na ito we can make amends at magkaroon naman ng mas tamang regulasyon...We will appeal...Isang mas malinaw na EO ang hihilingin namin nang sa ganon ma-guide ang mga tao na gustong magsaya," ani Cruz.

Mag-o-organisa rin sila ng pagsasanay upang mas mapabuti pa ang kanilang kabuhayan. 

"In fact sa January at February mayroon tayong gagawing training program to improve our industry."

Sa kabila ng dagok, naniniwala si Cruz na muling babangon ang kanilang industriya. 

"We believe it will spring back and babalik uli sa dati niyang sigla at saya kung ang gobyerno ay sinusuportahan ang ating batas. Di pa rin kami nawawalan ng pag-asa," aniya.

"Umaasa kami na we will be here to stay for the next 100 years."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.