Barangay tanod, patay nang makaladkad ng jeep

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 08:43 PM

CALAMBA CITY - Patay ang isang barangay tanod matapos itong masagasaan at makaladkad ng isang pampasaherong jeep sa kahabaan ng national highway sa Barangay Makiling, Calamba City noong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Renato Manjares, 22 taong gulang.

Ayon sa report, nabangga si Manjares habang tumatawid sa kalsada. Matapos itong mabangga, bumara siya sa ilalim ng jeep at nakaladkad ito.

Kasalukuyan pang hinahanap ang drayber ng jeep na si Romualdo Salba.

Ayon kay PO1 Laurence Lumbres, iniwan ni Salba ang jeep matapos niyang mabangga ang biktima.

"Nung nasa inner lane siya, doon na siya nabangga ng jeep na minamaneho naman nitong si Romualdo R. Salba. Nakaladkad siya dito sa overpass ng Yazaki Torres, iniwan naman nung driver 'yung jeep pati 'yung tao na wala nang buhay," aniya.

Nakipagtulungan na umano ang operator ng jeep at nagpaabot ng paunang tulong sa naiwang pamilya ni Manjares.

Umapela naman ang magulang ng biktima sa suspek na lumantad na at harapin ang nagawang kasalanan.

Desidido ang pamilya ni Manjares na magsampa ng kaso laban kay Salba.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.