Bangkay ng lalaki, natagpuan sa tambakan ng basura sa Lipa City

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 09:21 PM

LIPA CITY—Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa isang tambakan ng basura sa lungsod na ito sa Batangas noong Sabado.

Sa tumpok ng basura malapit sa kalsadang sakop ng Barangay Anilao Proper natagpuan ang bangkay ng isang lalaki.

Kinilala ang biktima na si Hermogenes de Torres Jr., alyas Dagul, 25 taong gulang.

Nakilala ang biktima dahil sa paglapit ng isang Josephine de Torres na noo'y nawawalan ng anak.

Ayon sa pulisya, may tama ng bala sa ulo ang biktima, ngunit wala namang nakitang basyo ng bala sa lugar.

Dagdag pa nila, maaaring hindi sa lugar pinatay ang biktima dahil wala umanong narinig na kahit anong putok ng baril ang mga residenteng nakatira malapit sa lugar.

Sa kasalukuyan ay wala pa ring linaw kung ano ang nangyari sa biktima. Wala naman umanong criminal record sa Lipa City Police si de Torres.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, lalo na't hindi ito ang unang pagkakataong may itinapong bangkay sa lugar.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.